Iikot na sa buong bansa ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang mailapit sa mga Pilipino ang serbisyo ng pamahalaan.
Ayon kay Speaker Martin Romualdez, dahil sa matagumpay na Grand Launch ng BPSF sa Camarines Sur, Leyte, Ilocos Norte at Davao de Oro ay dadalhin na rin ang pinakamalaking serbisyo caravan ng pamahalaan sa iba pang lalawigan sa bansa.
Patunay aniya ito ng hangarin ng Pangulo na gawing accessible ang government services sa publiko.
“Ipinakita rin naman na ang gobyerno po ng ating mahal na Presidenteng BBM ay nandito, very, very active, very much present. Iyan ang sinasabi ng ating Bagong Pilipinas Serbisyo Fair. The Serbisyo Fair truly breathed life into the aspirations of President Ferdinand ‘Bongbong’ Romualdez Marcos Jr. to bring so many government programs within the reach of people who may not have the means to avail of these benefits,” ani Romualdez.
Ang dapat sana’y dalawang araw lang na event ay pinalawig ng mga organizer upang tanggapin ang buhos ng mga nagparehistro at benepisyaryo na hanggang nitong 10:30 ng Linggo ng umaga ay nasa 322, 689 na.
Nasa 87,158 dito ay sa Laoag, Ilocos Norte, 103,647 ang sa Nabua, Camarines Sur; habang sa Tolosa, Leyte ay may 57,345 registrants; at 74,539 naman sa Monkayo, Davao de Oro.
Bago ito, mayroon nang 22,000 na benepisyaryo sa ginawang BPSF dry run noong Agosto sa Biliran.
“With this success, we now look forward to doing it nationwide. Our aim is to institutionalize the BPSF in the future that this will be part of the government mandate: if the people don’t have access to essential services, then the government will go to them,” ayon sa Leyte solon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes