Inilunsad ng Bureau of Fire Protection (BFP) Zamboanga Sibugay ang “Adopt-A-Student” program sa ilalim ng dinamikong pamumuno ni Fire Supt. Jacqueline S. Ortega.
Layon ng programa na suportahan at bibigyan ng oportunidad ang karapat-dapat na mga mag-aaral sa iba’t ibang komunidad.
Si Fire Supt. Ortega, na isang tapat na tagapagtaguyod sa pakikipag-ugnayan sa komunidad at sa edukasyon, ay nag-utos sa lahat ng fire station sa lalawigan na dapat mag-sponsor ng kahit isang deserving scholar sa loob ng kanilang hurisdiksyon.
Sinabi ni Ortega, nais niyang matulungan ang mga mahihirap ngunit matatalinong mga mag-aaral na maisulong at makamit ang kanilang inaasam-asam na pangarap sa buhay.
Kamakailan lamang, napili ng Zamboanga Sibugay Provincial Fire Marshal ang isang dedikado Grade 12 student ng Ipil National High School na si Zylryn T. Abao.
Nabatid na si Zylryn ay isang self-supporting student, subalit nagawa niyang nanguna’t nangibabaw sa akademya at sa larong boksing.
Tanging suporta niya sa kanyang pag-aaral ang pagbibenta ng puto maya at iba pang mga paninda.
Ang kanyang ginagawa ay sumasalamin sa kanyang matibay pagsisikap na makamit ang kanyang minimithing pangarap. | ulat ni Celestino Escuadro | RP1 Zamboanga Sibugay
📸 Office of the Provincial Fire Marshal