Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na umabot na sa 63,864 units ng mga pampublikong sasakyan sa buong bansa ang nakinabang sa unang dalawang araw ng pamamahagi ng fuel subsidy.
Ayon sa LTFRB, nasa 23,047 na mga operator ng mga pampublikong sasakyan sa buong bansa ang nakatanggap ng subsidiya noong September 13; habang 40,817 naman noong sumunod na araw.
Tinatayang 1.36 milyon ang kabuuang bilang ng mga benepisyaryo ang makatatanggap ng fuel subsidy mula sa pamahalaan.
Nasa P10,000 ang matatanggap ng mga operator ng UV Express; habang P6,500 naman para sa mga jeep, taxi, bus, at iba pang PUVs; P1,000 para sa mga tricycle driver; at P1,200 para sa mga delivery service rider.
Tiniyak naman ng LTFRB, na patuloy ang kanilang pamamahagi ng subsidiya bilang agarang-tulong ng gobyerno sa mga operator at tsuper ng mga pampublikong sasakyan, na apektado sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. | ulat ni Diane Lear