Higit kalahati na ng kabuuang target na small rice retailers ang nabigyan na ng cash assistance ng pamahalaan, kasabay ng umiiral na price cap sa regular at well-milled rice sa bisa ng Executive Order no. 39.
“Tuluy-tuloy naman iyong distribution natin nitong ating assistance sa mga small rice retailers natin sa pamamagitan noong sa SLP or Sustainable Livelihood Program ng departamento.” — Usec Punay.
Sa briefing ng Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DSWD Usec. Edu Punay na mula sa 7,000 rice retailers na nasa listahan ng DTI, nasa 4, 000 na ang nakatanggap ng P15,000 na cash assistance.
“Utos po iyan ni Pangulong BBM na bigyan natin ng tulong ang ating mga maliliit na rice retailer na apektado dito sa price ceiling under Executive Order 39. So 7,000 po ang target natin diyan na mGA benepisyaryo mula sa listahan ng DTI.” — Usec Punay.
Ayon sa opisyal, nagpapatuloy ang distribusyon ng cash assistance na ito, upang maalalayan ang rice retailers na apektado ng umiiral na price cap.
“So far, the past two weeks nag-distribute na tayo sa—kalahati na ‘no, 4,000 na iyong nabigyan natin ng P15,000 cash assistance each dito sa mga rice retailers natin. At tuluy-tuloy po ito hanggang katapusan ng buwan na ito.” —Usec Punay. | ulat ni Racquel Bayan