Matapos ang 33 araw ay tinapos na ng House Committee on Appropriations ang budget briefing para sa House Bill 8980 o 2024 General Appropriations Bill (GAB).
Ayon sa senior vice-chair ng komite na si Marikina Representative Stella Quimbo, masaya sila na nakamit ang target na matapos ang pagtalakay ng panukalang pondo sa loob ng tatlong linggo.
Ikinatuwa rin aniya ni Appropriations Chair Elizaldy Co ang aktibong pakikibahagi ng miyembro ng kapulungan sa paghimay sa Pambansang Pondo.
Katunayan, may pagkakataon na umabot ng hanggang limang rounds ang pagtatanong at ang pinakamahabang pagdinig ay inabot ng halos higit sa 12 oras.
Sa Huwebes inaasahan na magkakaroon ng execom ang Appropriations Committee para matapos ang committee report.
Target naman nilang iakyat para sa plenary deliberations ang panukala sa September 19 upang matapos ang 2024 GAB sa September 27. | ulat ni Kathleen Jean Forbes