Nakahanda ang pamahalaang lungsod ng Caloocan na umalalay at magbigay ng tulong sa mamamayan at negosyante ng bigas na apektado ng mandated price ceiling sa bigas.
Pahayag ito ni Mayor Along Malapitan matapos ipatupad ang price ceiling sa regular milled rice at well-milled rice alinsunod sa Executive Order 39.
Siniguro rin ng alkalde na regular na itse-check ng pamahalaang lungsod kung nasusunod ng mga rice retailer ang kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sinimulan na ng alkalde ang pag-inspeksyon sa mga palengke sa lungsod at tiningnan kung maayos na nasusunod ang price ceiling sa bigas.
Aniya, hangga’t epektibo ang mandated price ceiling, tuloy-tuloy ang regular na inspeksyong isasagawa upang masigurong lahat ng pamilihan ay sumusunod sa mga nakatakdang presyo.
Nagbabala din siya sa sinumang indibidwal at ibang entities na magsasamantala sa kasalukuyang sitwasyon ng bigas.
Ngayong umaga, sisimulan ang initial payout sa rice retailers na isasagawa sa Maypajo Public Market sa Caloocan City. | ulat ni Rey Ferrer