Sinuportahan ni Camarines Sur Representative LRay Villafuerte ang hakbang ng Department of Education (DepEd) na aralin ang taas-sahod ng mga guro.
Matatandaan na una nang ipinag-utos ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kagawaran na magsagawa ng pag-aaral sa kung paano makakapagpatupad ng salary adjustment para sa mga guro maliban pa sa Salary Standardization Law.
Ayon sa mambabatas, batid ng Pangulo na sa kabila ng bigat ng trabaho ng mga guro at mahalagang papel nila sa paghubog ng isang indibidwal, ay kabilang sila sa mga underpaid workers sa bansa.
Kaya naman umaasa si Villafuerte na kagyat na maipasa ang mga panukalang batas para sa dagdag sahod ng mga teacher at pagtataas sa kanilang school supplies allowance.
Sa ilalim ng inihain nitong House Bill 1851, mula Salary Grade 11 at gagawing Salary Grade 19 ang salary grade level ng public elementary at high school teachers para makasabay sa inflation rate.
Habang sa kaniyang House Bill 1894 ay gagawing permanente ang ₱5,000 na school supplies allowance.
“Increasing their take-home pay and providing for a permanent teaching supplies allowance with a provision for a steady bump per schoolyear (SY) will hopefully incentivize them to strive for excellence in their field and make teaching a more attractive profession for our students,” sabi ni Villafuerte. | ulat ni Kathleen Jean Forbes