Hiniling ng isang mambabatas sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), na taasan naman ang kanilang case rate sa konsulta package.
Ayon kay Anakalusugan Party-list Representative Ray Reyes, iilang ospital, clinic at doktor lang ang nakikibahagi sa programa dahil sa P500 lang ang case rate para dito.
Ang halaga, sapat lang para sa doctor’s fee at ilang laboratory test, at hindi na nakakasama ang gamot.
Dagdag pa ni Reyes, na noong huling pulong nila sa House Committee on Health noong August 26, sinabi na ng PhilHealth ay sapat na kung maitataas sa P3,500 ang case rate sa konsulta package.
Tugon ni PhilHealth Corporate Spokesperson Dr. Ish Pargas, nasa proseso ngayon ang PhilHealth sa pag-develop ng isang comprehensive outpatient benefit package para maitaas ang case rate, at maaaring ma-roll out sa 2025 o 2026.
Sa ngayon, ipatutupad muna nila ang Libreng PhilHealth Gamot upang mula sa 21 essential drug list sa ilalim ng kasalukuyang konsulta package ay maitaas ito sa 55.
Pero diin ni Reyes, hindi na aniya dapat hintayin ang dalawang taon bago maipatupad ang pinalawig na konsulta package.
Hanggang nitong Hunyo, 2,300 na service providers ang nakikibahagi sa konsulta package habang nasa 17.6 million na Pilipino na nagparehistro para makakuha ng serbisyo sa programa. | ulat ni Kathleen Forbes