Hinihiling ng Commission on Elections (COMELEC) sa Senado na maibalik sa kanilang ahensya ang tinapyas na P5.7 billion na pondo sa kanilang panukalang 2024 budget.
Sa pagdinig ng Senate subcommittee sa panukalang P27.440 billion 2024 budget ng COMELEC, ipinaliwanag ni COMELEC Chairperson George Garcia, na ang tinapyas na pondo ay gagamitin sana para sa paghahanda sa 2025 midterm, at Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
Sa presentasyon ng COMELEC, nasa P44.772 billion ang orihinal nilang hiling na pondo para sa susunod na taon pero higit P27 biilion lang ang inaprubahang alokasyon para sa kanila ng Department of Budget and Management (DBM), sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program (NEP).
Sa alokasyong pondong ito ay nasa P22.9 billion ang para sa paghahanda sa 2025 elections, kaya nasa P4.6 billion na lang ang matitira para sa iba pang gastusin ng COMELEC.
Kung hindi aniya kasi maibabalik ang hiling nilang P5.7 billion ay mahihirapan sila sa paghahanda sa mga gagawing halalan sa 2025.
Mapapaloob kasi aniya dito sa hiling nilang dagdag pondo ang overtime pay ng mga tauhan at transportasyon ng mga makinarya sa buong bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion