Nagpaalala ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga kakandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE), kaugnay sa campaign spending limit.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni COMELEC Spokesperson Atty. Rex Laudiango, na ang maaari lang gastusin ng mga nangangampanya ay P5 kada botante sa kanilang lugar.
Sa oras na lumampas dito, maaari na aniyang makasuhan ang mga ito na overspending, alinsunod sa Republic Act 7166.
“Kapag lumampas po kayo sa expenditure limits na iyan ay maari po kasing pumasok iyong elemento ng vote-buying na kayo’y gumastos nang higit-higit at ito po’y puwede ring maituring na vote-buying at vote-selling.” —Atty. Laudiangco.
Ayon sa opisyal, sa oras na lumampas sa expenditure limits ang gastos ng isang kandidato maaari na itong maikategoriya bilang vote buying.
“Kaya hangga’t maari, kayo ay manatili diyan sa pondo na iyan, sa limitasyon na iyan… huwag pong lalampas at higit sa lahat, iulat nang tama at makatotohanan ang lahat ng tinanggap na kontribyusyon pati na rin ang ginastos hanggang November 29 sa pamamagitan po ng SOCE o iyong Statement of Contributions and Expenditures.” —Atty. Laudiangco
Ang campaign period ay magsisimula sa October 19 at tatagal hanggang October 28.
Paalala ng COMELEC, kailangang makibahagi ang publiko sa darating na election na ito.
Kailangan rin aniyang maintindihan ng lahat ang kahalagahan ng barangay elections, lalo’t karamihan ng mga serbisyo ng pamahalaan para sa mga Pilipino ay ibinababa sa barangay level.
“Noong panahon ng pandemya na tayo ay naka-lockdown, lahat ng serbisyo ng pamahalaan ay idinaan sa ating mga barangay. Kung maayos ang pamumuno sa barangay, natikman natin at nakarating sa atin ang tulong. Kung hindi naman, naranasan natin ang hirap noong panahon ng pandemya. Kaya muli, pahalagahan ang barangay, makilahok tayo sa Barangay at SK elections.” —Atty. Laudiangco. | ulat ni Racquel Bayan