Ikinatuwa ni Basilan Representative Mujiv Hataman ang Commitment ng Department of Budget and Management na pondohan ng dagdag pang ₱1-billion ang Marawi Compensation Fund sa susunod na taon.
Aniya, hindi sasapat ang kasalukuyang ₱1-billion na ipinapanukalang pondo para bayaran ang libo-libong claims na nai-file ng mga biktima ng digmaan sa Marawi.
Punto ni Hataman na batay sa datos ng Marawi Compensation Board (MCB), mula July 4 hanggang August 31, umabot na sa 4,672 ang naghain ng claim o katumbas na ng ₱17.46-billion pesos.
“I appreciate our mutual belief and sentiment that ₱1-billion a year is not enough to compensate the claimants of the Marawi Compensation Program. Kaya lubos ang ating pasasalamat sa Appropriations Committee at sa DBM for committing to increase the Marawi Compensation Fund for 2024,” ani Hataman.
Sa naging plenary deliberations, sinabi ni Appropriations Senior Vice-Chair Stella Quimbo na oras na maisumite ng MCB ang listahan ng validated claimants ay aaksyunan ng DBM ang pagdaragdag ng pondo.
“We will assess based on the submission, yun po ang sinabi ng DBM … Kami po ay makaka-aksyon lamang kapag makapag-submit po sila (MCB) ng isang validated list,” ani Quimbo.
Punto ng mambabatas na matagal nang nang naghintay ang mga residente ng Marawi na muling bumalik sa normal at ibangon ang kanilang gumuhong dignidad at mga tahanan.
“Hangad nating magkaroon na ng closure ang mga biktima ng digmaan sa Marawi. Sana ay madagdagan na ang alokasyon para sa Marawi Compensation Program at maka-move on na sila sa kanilang mga buhay,” dagdag ni Hataman. | ulat ni Kathleen Jean Forbes