Magkatuwang na inilunsad ng Department of Agriculture at Bureau of Corrections ang unang Kadiwa pop-up store sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City .
Sa pamamagitan nito, magkaroon na ng access ang mga Persons Deprived of Liberty maging ang mga residente at BuCor employees na makabili ng sariwa at murang halaga ng pagkain at basic commodities.
Ayon kay Bureau of Plant Industry Assistant Director for Regulatory Services Ruel Gesmundo, parating nakahanda ang DA na tumugon sa mga komunidad na nagnanais na magkaroon ng Kadiwa project.
Patuloy din itong magpapatupad at magpapalaganap ng adhikain upang matugunan ang food security ng bansa.
Samantala, malugod namang tinanggap ni BuCor Director General Gregorio Catapang ang pagbubukas ng Kadiwa Store, na kinikilala ang mga benepisyo nito para sa buong komunidad. | ulat ni Rey Ferrer
📷: Dept. of Agriculture