Nakikipag-ugnayan ngayon ang Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO2) sa mga DA Assisted Rice Processors sa rehiyon para tumulong sa pagsuplay ng murang bigas sa mga retailers lalo na sa mga lugar na hindi pa nakakapag-comply sa Executive Order 39 o ang Price Ceiling sa bigas.
Ayon kay Regional Executive Director Rose Mary Aquino ng DA RFO2, nasa walong rice processors na ang kanilang nakausap mula sa mga lalawigan ng Isabela, Quirino, at Cagayan na siyang magiging partner ng mga ito para magdeliver ng mas mababang presyo ng bigas sa mga retailer at nang makasunod ang mga ito sa itinakdang price cap sa bigas.
Ang counterpart ng DA, sila ang bahala sa mga truck o sasakyan sa pag-deliver ng mga bigas at ng mabawasan na ang gastos ng mga processor sa delivery at nang ito na rin ang diskwento na kanilang ibibigay sa kanilang retailer.
Ayon kay RED Aquino, ito ang nakikita nilang interbensyon at nang pareho namang kumita ang mga processor at retailer.
Batay kasi sa pag-iikot ng Bantay Presyo team sa apat na probinsya sa lambak Cagayan, lumalabas na nasa 30-40% lamang sa mga nabisitang retailer ang nakakasunod sa itinakdang presyo para sa regular-milled at well-milled rice sa kadahilanang, ang kasalukuyang stocks ng mga ito ng bigas ay nabili nila sa mas mataas ang halaga sa itinakdang price cap.
Umaasa ang director na pamamagitan ng kanilang interbensyon, gayundin sa pangakong financial assistance ng pamahalaan, makakasunod na sa EO 39 ang lahat ng rice retailer sa rehiyon.| ulat ni Dina Villacampa| RP1 Tuguegarao