Aprubado na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) Region VII ang panibagong dagdag sahod para sa mga minimum wage earners ng mga pribadong establisiyemento dito sa Central Visayas.
Sa ipinalabas na RTWPB Wage Order No. ROVII-24 noong Setyembre 5, magkakaroon ng P33.00 na dagdag sa minimum wage ng mga nagtatarabaho sa mga pribadong kumpanya.
Dahil dito, magiging P420.00 – P468.00 na ang bagong minimum wage ng mga nasa Class A-C para sa mga nasa non-agricultural establishments samantalang nasa P415.00- 458.00 naman para sa agricultural at non-agricultural establishments na hindi umabot sa 10 ang kanilang mga trabahante.
Ang nasabing Wage order ay inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission noong Setyembre 12 at nakatakdang ilathala sa mga pahayagan Setyembre 15 at maipatupad pagkatapos ng 15 araw o ngayong darating na Oktubre 1.
Napag-alaman na ang panibagong wage increase sa rehiyon ay resulta ng isinagawang konsultasyon ng RTWB kaugnay sa mga isinumiteng petisyon na inihain ng mga labor groups na pataasan ang minimum wage dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.| ulat ni Angelie Tajapal| RP1 Cebu