Kinumpirma ni Appropriations Committee Chair Elizaldy Co na nagpadala ng liham si DBM Sec. Amenah Pangandaman upang ipaliwanag ang naging paglalabas ng nasa P125 milyong pondo sa Office of the Vice President noong 2022.
Ayon kay Co, sa naturang sulat ay nilinaw ng kalihim na hindi nalabag ang power of the purse ng Kongreso sa naturang release ng pondo.
Batay aniya sa paliwanag ni Sec. Pangandaman, ang halagang ibinigay ng Office of the President sa OVP ay mula sa P7 bilyon na contingent fund bilang suporta sa Good Governance Engagements and Social Services Projects ng tanggapan ng bise presidente.
Bahagi lamang din aniya ito ng kabuuang P221.42 milyon na naibigay sa OVP mula sa contingent fund na nakapaloob sa 2022 General Appropriations Act.
Hindi rin umano ito augmentation o transfer of fund na una nang idineklara ng Korte Suprema bilang unconstitutional.
“While it is understandable that, at the outset, the release of funds to the OVP may be perceived as a transfer, the same was not technically so, for such release was funded from contingent fund under the FY 2022 GAA and not from the budget of the OP,” saad sa liham ni Pangandaman kay Co.
Ipinunto rin ng kalihim sa House panel chair na hindi nililimitahan ang paggamit ng contingent fund sa isang partikular na ahensya o tanggapan maliban na lamang sa pagbili ng motor vehicles.
Una nang nilinaw ng Office of the Executive Secretary na ang naturang pondo ay inilabas alinsunod sa Special Provision No. 1 sa ilalim ng 2022 Contingent Fund, na nagbibigay kapangyarihan sa OP na aprubahan ang pagre-release ng pondo na magko-cover sa funding requirements ng bago o urgent activities na kailangang maipatupad. | ulat ni Kathleen Jean Forbes