Patuloy pang nadaragdagan ang bilang ng mga mag-aaral na nag-e-enroll para sa School Year 2023-2024.
Ayon kay Education Assistant Secretary Francis Bringas, kumpiyansa silang maaabot ang target na bilang ng mga mag-eenroll ngayong school year, na 28.8 milyon.
Kabilang dito ang mga mag-e-enroll sa mga pampubliko at pribadong paaralan, pati na sa Local Universities and Colleges, State Universities and Colleges, at Alternative Learning System.
Ani Bringas, tatanggap pa ang mga paaralan ng mga late enrollee hanggang sa katapusan ng buwan, lalo pa aniya at maraming mga paaralan sa bansa ang apektado ng mga nagdaang bagyo.
Kabilang din sa tinitingnan ng Department of Education (DepEd) ang bilang ng mga Grade 12 na nagsipagtapos, at ang mga papasok na estudyante sa Kindergarten.
Kaya naman asahan na tataas pa ang bilang ng mga estudyante na mage-enroll ngayong buwan.
Sa ngayon, umabot na sa 25.8 milyon ang bilang ng mga nag-enroll para sa School Year 2023-2024.
Ito ay batay sa pinakahuling datos ng Learner Information System Quick Count ng DepEd. | ulat ni Diane Lear