Pinag-iingat ng Department of Education o DepEd ang publiko lalo na ang mga guro hinggil sa mga kumakalat na disinformation sa social media.
Ito’y matapos umikot sa social media ang ‘di umano’y isang memorandum circular na inilabas ng kagawaran na nagbibigay ng dalawang linggong pahinga para sa mga guro kaalinsabay ng pagdiriwang ng National Teacher’s Month
Ayon sa DepEd, nakikipag-ugnayan na sila sa mga awtoridad para tukuyin ang pinagmulan ng naturang “fake news” upang mapanagot at huwag nang magdulot pa ng kalituhan.
Umapela naman ang kagawaran sa publiko na maging mapagmatyag at ipagbigay-alam agad sa mga awtoridad kung sakaling kaduda-duda ang matatanggap na impormasyon. | ulat ni Jaymark Dagala