Nagsagawa ng tatlong araw na orientation ang DepEd Region 1 sa mga pilot school na nagpapatupad ng bagong K to 10 MATATAG Curriculum.
Limang paaralan sa Rehiyon 1, na pawang galing sa La Union Schools Division, ang nagpi-pilot sa nasabing kurikulum para sa Kindergarten, Grade 1, Grade 4, at Grade 7 para sa school year 2023-2024.
Kabilang dito ang Cabaruan Integrated School, Caba Central Elementary School, Acao Elementary School, Casacristo National High School, at Don Olarte Memorial National High School.
Kasama sa mga kalahok sa orientation ang mga guro sa elementarya at sekondarya at mga pinuno ng mga pilot na paaralan, mga district supervisor ng mga pampublikong paaralan, at mga education program supervisor (EPS) mula sa Curriculum and Implementation Division (CID) at Curriculum Learning Management Division (CLMD).
Naging tampok sa mga presentasyon at talakayan para sa pagsasanay ang MATATAG curriculum guides, concretizing lessons, at paghahanda ng mga kagamitan sa pagtuturo at pagkatuto sa iba’t ibang larangan ng pag-aaral para sa apat na antas ng baitang.
Nakatuon ng MATATAG Curriculum sa mga kasanayan sa foundational literacy at numeracy, pagbawas sa learning competency sa pamamagitan ng pagtutok sa mga mahahalaga, at itinataguyod ang higher-level thinking mula sa lower-level skills. Paiigtingin at palalakasin din ng bagong curriculum ang Values Education Program at Peace Education.
May kabuuang 35 paaralan mula sa pitong rehiyon sa bansa ang natukoy bilang mga pilot school sa bansa na unang nagpatupad ng bagong curriculum. | via Albert Caoile | RP1 Agoo
📷 DepEd Region 1