Libre ang pagpapapalit ng depektibong National ID.
Ito ang inihayag ni Appropriations Senior Vice Chair Stella Quimbo sa Plenary deliberation ng budget ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Aniya ang mga indibidwal na nakatanggap ng National ID na may problema sa text o litrato ay maaaring pumunta sa tanggapan ng Philippine Statistics Authority (PSA) at papalitan ito nang walang bayad.
Tiniyak din ni Quimbo na mayroon nang catchup plan ang PSA para madagdagan ang pag-iimprenta ng ID cards.
Ito’y matapos ihayag ni Senior Deputy Minority Leader Paul Daza ang pagkadismaya sa atrasadong pamamahagi ng National ID.
Aniya noong 2023 budget ay nangako na ang PSA na makapagpapamahagi ng 30 million ID cards sa katapusan ng 2022 ngunit nabigo.
Punto ni Daza, bahagi pa man din ng priority project sa ilalim ng social services program na nakapaloob sa Medium-Term Fiscal Framework ang National ID.
Hinihintay na lang ani Quimbo na aprubahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang catch up plan para mula 80,000 cards kada araw ay maiakyat ang produksyon sa 150,000.
Nasa ₱1.609-billion ang pondo para sa National ID System sa 2024. | ulat ni Kathleen Jean Forbes