Pangungunahan ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo ang delegasyon ng Pilipinas sa ika-78 sesyon ng United Nations General Assembly (UNGA78) High-Level Week na gaganapin sa UN Headquarters sa New York City, USA.
Kakatawanin ni Sec. Manalo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa nasabing pagtitipon kung saan ide-deliver nito ang Philippine National Statement na magbibigay-diin sa respeto nito sa rule of law at mga hakbangin tungkol sa climate change kabilang na rin ang achievements at mithiin ng bansa bilang isang middle-income economy na may mahalagang tinig pagdating sa usaping pandaigdigan.
Nakatakda ring lumagda si Sec. Manalo sa bagong agreement sa ilalim ng 1982 UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) para sa conservation at sustainable use ng marine biological diversity sa mga lugar na di sakop ng national jurisdiction, o mas kilala bilang “High Sea Treaty.”
Nag-organisa rin ang Pilipinas ng mahahalagang side events kung saan matatalakay ang mga usapin ng migration at climate change at iba pang aktibidad kasama ang ibang mga bansa.
Umaasa naman si Manalo sa mga bilateral meetings kasama ang iba pang foreign ministers at key officials mula UN.
Maliban kay Sec. Manalo, kasama din sa delegasyon ng Pilipinas sina Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Antonia Yulo Loyzaga, Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa; National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Rosemarie Edillon, Special Envoy of the President to the UNICEF Monica Louise Prieto-Teodoro, Department of Finance, at mga local executives mula sa League of Cities of the Philippines.
Gaganapin ang #UNGA78 simula September 18 hanggang 26, 2023. | ulat ni EJ Lazaro