Magkakaron na ng mga bagong Digital Transformation Center at Innovation Hubs sa tatlong lalawigan sa bansa.
Kasunod yan ng paglagda ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ng Memorandum of Agreement (MOA) at Memorandum of Understanding (MOU) sa iba’t ibang stakeholders para sa dagdag na pasilidad.
Kabilang dito ang kasunduan para sa isang multi-purpose Digital Transformation Center sa Digos, Davao del Sur katuwang si Digos Representative John Tracy Cagas.
Sa ilalim ng kasunduan, pangungunahan ng DICT ang operasyon ng digital center at pagbibigay ng ICT training at connectivity. Maghahatid rin ito ng libreng Wi-Fi Point-of-Presence para sa mga residente.
Samantala, magiging katuwang naman ng DICT ang International Labour Organization (ILO) para sa Innovation Hubs na itatayo sa Pampanga at Cotabato.
Inaasahang ipatutupad dito ang proyektong “Bringing Back Jobs Safely Under The COVID-19 Crisis in the Philippines: Rebooting Small and Informal Business Safely and Digitally” na suportado ng Republic of Japan.
Bukod dito, kasama rin sa kasunduan ang pagbibigay ng satellite connectivity sa Tech4ED Centers sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) at kolaborasyon sa digital literacy at financial education initiatives para sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs). | ulat ni Merry Ann Bastasa