Inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na aarangkada na bukas, September 13 ang pamamahagi ng subsidiya sa mga operator ng mga pampublikong sasakyan.
Kasunod ito ng nilagdaang Memorandum of Agreement at Joint Memorandum Circular No. 02, series of 2023, ng DOTR, DICT, DTI, DILG, DBM, DOE, LTFRB, at Land Bank of the Philippines (LBP).
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 2023-038, kabilang sa mga mabibigyan ng subsidiya ang mga operator ng mga pampublikong jeep o PUJ, Filcabs, UV Express (UVE), mini buses, pampublikong bus o PUB, Shuttle Services, Taxis, Tourist Transport Services, School Transport Service, Transportation Network Vehicle Services, Delivery Services, at Tricycle.
Partikular na makatatanggap ng tig-P10,000 na subsidiya ang bawat operator ng modern PUJs at UVEs na kwalipikado sa programa.
P6,500 naman ang ipamamahagi sa kada operator ng pampublikong jeepney.
Samantala, bibigyan naman ng P1,200 fuel subsidy ang bawat delivery service rider habang P1,000 naman ang ipagkakaloob sa mga tsuper ng tricycle sa pangangasiwa ng DILG.
Sa pagtaya ng DOTr at LTFRB, nasa 1.36 milyong mga operator sa buong bansa ang makatatanggap ng subsidiya sa pamamagitan ng digital banking at fuel subsidy card na dati nang nakarehistro sa mga benepisyaryo ng FSP. | ulat ni Merry Ann Bastasa