Ibinalita ng Department of Migrant Workers (DMW) na wala pang overseas Filipino worker (OFW) na naitatalang apektado ng nangyaring 6.8 magnitude na lindol sa Morocco, nitong Biyernes.
Sa pagdinig ng Senate Sub-committee on Finance sa panukalang pondo ng DMW, pinunto kasi ni Senador Francis Tolentino na maraming OFW sa naturang bansa.
Ipinaliwanag naman ni DMW Officer-in-Charge Undersecretary Hans Leo Cacdac, na base sa ulat ng labor attaché ng ating bansa, ang katimugang bahagi ng Morocco ang naapektuhan ng lindol.
Habang karamihan sa ating mga kababayan ay nasa hilagang bahagi ng naturang bansa.
Nasa 400 OFW aniya ang bilang ng mga OFW na nasa katimugang bahagi ng Morocco, at sa ngayon ay wala pa naman sa mga ito ang napapabalitang apektado ng lindol. | ulat ni Nimfa Asuncion