Inihayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno na kasalukuyang pinag-uusapan pa sa Executive Department ang panukalang bawasan ang taripa ng bigas.
Ito ay bilang bahagi ng komprehensibong hakbang upang ibaba ang presyo ng bigas sa pamilihan, at maibsan ang posibleng kakulangan ng bigas dulot ng patuloy na epekto ng El Niño phenomenon.
Ito ang sagot ni Diokno sa gitna ng protesta ng ilang farmer’s group sa kanyang proposal, na tariff cut sa bigas at panawagan na magbitiw siya sa pwesto.
Ayon sa kalihim habang kasalukuyan ang pag-uusap, nananatiling suportado ng Department of Finance (DOF) ang anumang “policy response” na ikabubuti ng mas maraming Pilipino.
Tiniyak ng kagawaran ang kanilang koordinasyon sa iba pang mga ahensya ng gobyerno at stakeholders, upang isulong ang mga programa at suporta.
Ito ay para mapanatiling balanse ang interes ng mga magsasakang Pilipino habang ibinababa ang presyo ng bigas para sa mga mamimili, lalo na ang mga pamilyang pinakamahihirap. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes