DOH, tiniyak na wala pang kaso ng Nipah virus sa Pilipinas

Facebook
Twitter
LinkedIn

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na wala pang kaso ng Nipah virus sa Pilipinas.

Ito ang nilinaw ng ahensya sa gitna ng mga impormasyon na ang virus na ito ang dahilan ng pagkakasakit ng ilang residente sa Cagayan de Oro City.

Sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Finance sa panukalang 2024 budget ng DOH, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na base sa kanilang beripikasyon sa kanilang regional at epidemiological surveillance unit sa Northern Mindanao ay wala pang confirmed na kaso ng Nipah virus.

Ang mayroon lang aniya silang naitala ay pagtaas ng mga kaso ng flu-like illnesses.

Sinabi rin ni Vergeire, na in-activate na ang Philippine Inter-Agency Committee on Zoonosis na kinabibilangan ng DOH, Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Agriculture (DA), at iba pang ahensya kaugnay ng Nipah virus.

Naglabas na rin aniya ang komite ng general advisory, na umiwas muna ang publiko sa mga mga lugar na pinamumugaran ng mga paniki, bilang fruit bats ang natural carriers ng Nipah virus.

Binigyang diin ni Vergeire, na walang dahilan para mag-panic ang publiko.

Kinakailangan lang aniyang ipagpatuloy ang mga ginagawa kontra COVID-19 gaya ng paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask kung vulnerable, at maiging paghuhugas ng mga pagkaing kinakain, lalo na ang mga prutas.

Siniguro rin ng DOH, na handa ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na makumpirma ang anumang kaso ng Nipah virus. | ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us