Nais ni Senate Committee on Public Works Chairperson Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. na ipatawag at pagpaliwanagin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) tungkol sa kahandaan ng Pilipinas sa posibilidad ng pagtama ng malakas na lindol sa bansa, lalo na ang pinangangambahan na ‘the big one’ sa Metro Manila.
Ito ay kasunod ng nangyaring 6.8 magnitude na lindol sa Morocco na ikinasawi ng higit 2,000 katao.
Ilang eksperto kasi ang nagsabi na kapag nangyari ang ganito kalakas na lindol sa Metro Manila ay tiyak na marami rin ang masasawi at mag-iiwan ito ng malaking pinsala.
Ayon kay Revilla, nais nilang malaman kung ano na ang update sa retrofitting at pag-aaral ng ahensya sa mga public infrastructure ng bansa, kabilang na ang mga tulay, gusali kalsada at iba pa.
Binigyang diin ng senador na hindi lang dapat nagsasagawa ng earthquake drill kundi kailangan ring malaman ang iba pang kahandaan ng mga ahensya ng pamahalaan.
Sa naunang report ng DPWH sa komite ni Revilla aabot sa halos 6,000 ang mga istruktura sa Metro Manila ang sinasabing delikado at maaring gumuho kapag may tumamang malakas na lindol.
Kasama na dito nasa 4,000 school buildings at pampublikong gusali. | ulat ni Nimfa Asuncion