Palalawigin ng Land Transportation Office (LTO) ng isang taon ang validity ng mga driver’s license na apektado ng Temporary Restraining Order (TRO) na inilabas ng Quezon City court laban sa delivery at pagproseso ng plastic ID cards.
Ito’y matapos makakuha ng commitment si House Senior Deputy Minority Leader at Northern Samar Representative Paul Daza mula mismo kay LTO Chief Vigor Mendoza sa Budget briefing ng Department of Transportation.
Una dito sinabi ni Mendoza na kung magtuloy-tuloy ang injunction ng korte sa pagpapahinto ng kontrata sa Banner Plasticard ay palalawigin nila ang bisa ng driver’s licenses hanggang Oktubre.
Ngunit hiniritan nina Daza at kasamahang minority solon na si AGRI Party-list Representative Wilbert Lee na gawin na lang isang taon ang bisa ng driver’s license.
Bagamat may unang alinlangan si Mendoza dahil sa posibleng epekto nito sa kita ng ahensya kalaunan ay pumayag na ito sa isang taong validity. | ulat ni Kathleen Jean Forbes