Sumampa pa sa ₱35-million ang halaga ng ayudang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lalawigang naapektuhan ng matinding ulan at bahang dulot ng habagat na pinaigting ng nagdaang bagyong Goring at Hanna.
Pangunahin dito ang pamamahagi ng family food packs sa mga apektadong pamilya katuwang ang mga LGU.
Sa pinakahuling datos mula sa DSWD Disaster Response Operations Monitoring and Information Center, as of September 3, umakyat na sa higit 636,000 na indibidwal ang apektado ng mga pag-ulan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), Western at Central Visayas, pati na sa Davao Region.
Aabot rin sa 671 ang bilang ng mga pamilya o katumbas ng 2,347 na indibidwal ang nananatili sa evacuation centers.
Kaugnay nito, mayroon namang 277 na kabahayan ang totally damaged habang 3,211 rin ang partially damaged sa walong rehiyon sa bansa.
Una nang tiniyak ng DSWD na sapat ang stockpile nito ng food packs para sa mga apektadong LGUs.
Aabot pa sa ₱1.8-billion ang halaga ng available na relief resources nito kabilang ang ₱1.7-billion halaga ng stockpile, at ₱106-million standby funds. | ulat ni Merry Ann Bastasa