Sinisilip na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang estado ng mga miyembro ng sinasabing kulto na Socorro Bayanihan Services Inc. na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ito ay kasunod ng impormasyon na pinipilit silang isuko sa kanilang lider ang 40 to 60 percent ng kanilang social welfare benefits.
Sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Finance sa panukalang pondo ng DSWD para sa susunod na taon, giniit ni Secretary Rex Gatchalian na ang mga benepisyaryo lang ang dapat na makinabang sa mga ayudang ibinibigay ng pamahalaan at hindi ito maaaring kunin ng sinuman.
Sinabi ni Gatchalian sa inisyal na imbentaryo na isinagawa ng ahensya, nasa 74 households ang benepisyaryo ng 4Ps sa Sitio Kapihan habang 503 households naman ang benepisyaryo ng 4Ps sa Barangay Siring sa Surigao del norte.
Sinabi ng kalihim na sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang DSWD sa local at municipal government para matingnan ang lagay ng mga 4Ps beneficiaries sa naturang lugar.
Maliban sa 4Ps ay nirerebyu na rin ng DSWD ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) distribution sa naturang lugar.
Umaasa si Senadora Risa Hontiveros na agad na maitatama ng ahensya kung mapapatunayang may maling paggamit ng programa at pondo.| ulat ni Nimfa Asuncion