DTI, DA, at DSWD, pinakikilos na ng Pangulo upang alalayan ang rice retailers na maaapektuhan ng price cap sa bigas

Facebook
Twitter
LinkedIn

Magpapatupad na ng mga hakbang ang pamahalaan para sa inaasahang impact ng price cap sa bigas sa retailers, simula bukas, September 5.

Kasunod ito ng implementasyon ng Executive Order no. 39, na nagtatalaga ng price cap sa bigas na P41 para sa regular milled rice, habang P45 para sa well milled rice.

“Kaya’t huwag sana kayong mag-alala. Alam po namin na ito’y mga bago na sistema na ating ginagawa. Ngunit kagaya ng aking nasabi ay napipilitan tayo dahil sa mga pwersa na kung minsan ay ayaw tumulong sa ating mga kababayan. Ngunit gagawin natin ito upang makatiyak naman ang taong-bayan na hindi napakalaki ang kanilang ginagastos para naman sa kanilang pagkain para sa bigas.” —Pangulong Marcos Jr.

Bago tumulak patungong Jakarta, Indonesia para sa ika-43 ASEAN Summit, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na mananatili silang nakatutok sa sitwasyon ng bigas sa bansa.

Aniya pansamantala lamang ang price cap na ito.

“Pansamantala lamang. Hindi ito tatagal. Tayo’y umaani na ng palay. Tapos na ang season. Kaya’t pagdating ng panahon – papasok pa mayroon tayong mga in-import na bigas – sabay-sabay na papasok ‘yan at makikita basta’t ilalagay namin, dadalhin natin sa palengke, pabayaan ulit natin ang presyo ng bigas na maghanap ng sarili niyang presyo.” —Pangulong Marcos.

Ang Department of Trade and Industry (DTI), gumagawa na ng listahan ng rice retailers at kina-calculate na ang posibleng lugi ng retailers na nakabili ng mahal na bigas ngunit mapipilitang ibenta ito sa mas murang halaga.

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) aniya, mayroon nang inihahandang pondo upang asistehan ang mga ito.

Pagsisiguro ng Pangulo, na nasa likod ng rice retailers ang pamahalaan.

“Huwag po kayong mag-alala mga rice retailer. Nauunawaan po namin kaagad na maaabala kayo dahil iisipin nga ninyo na may malulugi. Nandiyan ang gobyerno ninyo upang magbigay ng tulong para sa inyong lahat para naman bawi ang lugi ninyo na nangyari dahil sa price cap.” —Pangulong Marcos Jr. | ulat ni Racquel Bayan

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us