Patuloy ang proseso ng Department of Trade and Industry Region VI sa pagsusuri sa mga kuwalipikado na maliliit na rice retailers na makatatanggap ng tulong pinansyal, ayon sa Executive Order 39 na ipinalabas ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr., na ang bentahan ng regular milled rice ay nasa PhP41 kada kilogram at PhP45 bawat kilogram sa well-milled rice sa mga merkado.
Ayon kay DTI VI Regional Director Ermelinda Pollentes, on-going ang kanilang validation at follow up sa mga concerned field offices nila upang ma-update ang listahan ng rice retailers.
Aniya ngayong linggo uumpisahan ang pamimigay ng tulong pinansyal sa mga small rice retailer sa Kanlurang Visayas.
Kung maalala, sinabi ng DTI na tatapusin nila ang listahan ng mga benepisyaryo ng tulong pinansyal noong September 8 ngunit hindi ito nangyari dahil patuloy ang kanilang pasusuri hanggang ngayon.
Inihayag ni Pollentes na isumiti nila ang kanilang listahan sa Department of Social Welfare and Development at ang DSWD ay magpapatupad ng karagdagang pagpapatunay sa mga nakalistang pangalan.
Sinabi niya na umpisa noong September 5 hanggang ngayon patuloy ang paglilibot ng DTI sa mga merkado upang masiguro na tumatalima ang mga rice retailer sa rehiyon. | ulat ni Elena Pabiona | RP1 Iloilo