Pinaalalahanan ng Department of Trade and Industry (DTI) Pangasinan ang publiko kaugnay sa mga scammers na nagpapanggap bilang kawani ng ahensya kung saan target na mabiktima ang mga micro, small at medium enterprises o MSMEs sa probinsya.
Sa isinagawang forum, sinabi ni DTI Pangasinan Provincial Director Natalia Dalaten na may natanggap silang dalawang ulat mula mismo sa MSMEs kung saan may umiikot at nagpapanggap na kawani ng DTI upang mag-alok ng loans at nagso-solicit ng pera na hindi bababa sa P5,000 bilang bahagi ng sponsorship o advertisemnt ng isang event.
Ayon kay Dalaten, wala silang staff na nagso-solicit ng anumang halaga para sa kanilang programa.
Sinabi pa nito, target na mabiktima ng nasabing panloloko ang MSMEs sa lalawigan.
Magpapanggap umano ang mga itong kilalang-kilala nila ang nga negosyante saka iaalok ang loan at solicitation.
Sinabi pa ng opisyal na agad na silang nakipag-ugnayan sa Police Provincial Office upang ipaabot ang naturang scheme.
Hiningi rin nito ang pakikiisa ng publiko na agad ipagbigay alam sa mga awtoridad kung may nasaksihang kahalintulad na insidente. | ulat ni Verna Beltran | RP1 Dagupan