Umapela ang mga opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga retailer na may mga reklamo patungkol sa kanilang matatanggap na subsidiya, na idaan sa tamang komite o tamang proseso ang kanilang hinaing upang mas tiyak na matugunan ng mga kinauukulang ahensiya.
Ayon kay Trade Assistant Secretary Agaton Uvero, halos lahat kasi ng mga naunang nabigyan ay yung mga retailer na may kumpletong dokumento at pumasa sa isinagawang validation.
Una nang tiniyak ng DTI, na magpapatuloy pa rin ang validation sa rice retailers na apektado ng pagpapatupad ng price cap sa bigas, ngunit hindi pa nakakatanggap ng cash assistance mula sa national government.
Samantala, iginiit pa ng ahensya na continuous pa rin ang pagkalap ng pamahalaan ng mga karagdagang datos ng retailers na naapektuhan ng Executive order 39, upang patuloy silang mabigyan ng ayuda. | ulat ni AJ Ignacio