DTI: Wala pang namumultahang retailer sa 2 araw na implementasyon ng EO 39

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nakipagdiyalogo ngayong araw ang Department of Trade and Industry (DTI) sa grupo ng rice retailers, upang pakinggan ang hinaing ng mga ito sa ipinatutupad na Executive Order (EO) 39 o ang mandated price ceiling sa regular at well-milled rice.

Dumalo sa special meeting na inorganisa ng Grains Retailers Confederation of the Philippines, Inc. (GRECON) si DTI Assistant Secretary Agaton Uvero, kung saan kinumpirma nitong wala pang namumultahan o nahuhuli sa dalawang araw na implementasyon ng price cap.

Paliwanag ni Asec. Uvero, mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay nagbilin na hindi muna higpitan ang pagpapatupad nito, kaya pinapaalalahan palang ang mga hindi nakakasunod sa EO.

Kaugnay nito, tiniyak ni Asec. Uvero, na minamadali na nilang makumpleto ang listahan ng mga maliliit na rice retailers na makikinabang sa assistance ng pamahalaan.

Kasama rin aniya rito ang listahan ng mga sari-sari store owner na may benta ring regular at well-milled rice.

Aniya, tina-target na unahing bigyan ng tulong ang mga apektadong retailers sa Metro Manila.

Sa panig ng GRECON, humihiling ang mga ito ng kaluwagan sa pagpapatupad ng EO 39 at tuloy-tuloy na ayuda mula sa pamahalaan. | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us