Dadaan pa sa Commission on Disposition of Administrative cases ang desisyon ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) na ipasibak sa serbisyo ang siyam na pulis na nag-ransack ng bahay ng isang propesora sa Cavite.
Ito ang paliwanag ni PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo kung bakit hindi agad maipatupad ang desisyon ng IAS.
Ayon kay Fajardo, recommendatory lang ang desisyon ng IAS na subject for review ng Commission bilang bahagi ng due process.
Dito’y bibigyan ng pagkakataon ang mga akusadong pulis na magpaliwanag ng kanilang panig, at makapaghain ng Motion for Reconsideration.
Sinabi ni Fajardo na sisiguraduhin din ng Commission na nasunod ang due process sa pag-imbestiga sa kaso ng mga pulis para maiwasan na rin ang nangyayari sa nakaraan na nababaliktad ang desisyon dahil hindi nasunod ang due process.
Bukod sa kaso ng siyam na pulis sa Cavite, nire-review na rin ng Commission ang desisyon ng IAS na i-dismiss sa serbisyo ang walong pulis na direktang sangkot sa pagpatay kay Jemboy Baltazar sa Navotas. | ulat ni Leo Sarne