Siniguro ng National Economic and Development Authority (NEDA) na patatatagin pa ng pamahalan ang mga hakbang nito para sa food security, pagprotekta sa consumers, at pagbibigay ng assistance sa mga magsasaka.
Pahayag ito ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan, kasunod ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang inflation para sa buwan ng Agosto ay nasa 5.3% mula sa 4.7% noong Hulyo.
Ayon sa kalihim, sa kabila ng mga hamong kinahaharap ng bansa tulad ng masamang panahon, trade limitations, at epekto ng El Niño, nananatili naman ang objective ng pamahalaan na makamtan ang mas mababang inflation rate na 2% hanggang 4% sa pagtatapos ng 2023.
Binigyang diin ng kalihim ang kahalagahan na makapagbigay ng komprehensibong assistance sa rice at vegetable farmers, upang mapataas pa ang produksyon ng mga ito.
Ang Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) aniya, magpapaabot rin ng tulong sa mga magsasaka sa pagpapatuyo at milling ng palay para sa nalalapit na harvest season.
Kaugnay nito, inirekomenda na rin ng NEDA ang pagpapabilis sa implementasyon ng mga programa para sa mas mabilis na recovery ng produksyon, sa mga lugar na apektado ng mga bagyo. | ulat ni Racquel Bayan