Inaasahan ang paglago pa ng ekonomiya ng Pilipinas ngayong taon.
Batay sa Asian Development Outlook September 2023 forecasts, aabot sa 5.7% ang economic growth ng bansa na bahagyang mas mababa kumpara sa 6.0% na projection noong April.
Samantala, nananatili naman sa 6.2% ang forecast para sa 2024 gross domestic product (GDP).
Ayon kay ADB Philippines Country Director Pavit Ramachandran, nananatiling matatag ang ekonomiya ng bansa sa kabila ng bahagyang pagbagal nito ngayong taon.
Ito aniya ay dahil sa public investment, private spending, mababang unemployment rate, mataas na remittances ng mga overseas Filipino worker, at paglakas ng turismo.
Dagdag pa ng ADB, ang maaaring maging downside risk ng forecast ay posibleng magmula sa geopolitical tensions at pagbagal ng major advanced economies. | ulat ni Diane Lear