Inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na asahan ang dry spell effect o tagtuyot dahil sa El Niño sa Lungsod ng Baguio sa darating na Nobyembre.
Ayon kay PAGASA-Baguio Senior Weather Specialist Larry Esperanza, magsisimulang makaramdam ng tagtuyot ang mga residente sa lungsod hanggang sa unang quarter ng susunod na taon.
Sa unang pahayag ng PAGASA, inaasahan ng Weather Bureau na mararamdaman ang epekto ng tagtuyot sa lungsod sa Oktubre.
Sinabi ni Esperanza na ang naantalang epekto sa Baguio City at Benguet ay dahil sa monsoon at tropical cyclones.
Aniya, inaasahan pa rin ang ilang pag-ulan sa lungsod na magaganap ngayong Oktubre na maaaring dahilan na hindi maramdaman ang epekto ng El Niño.
Napansin din ni Esperanza na mas malakas ang pag-ulan sa mga matataas at bulubunduking lugar tulad ng Baguio City. | ulat ni Mary Rose Rocero