Nanawagan si Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA) Executive Secretary Rev. Father Jerome Secillano sa mga kritiko na buksan ang kaisipan sa pagsali ng kanilang grupo sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ang panawagan ay ginawa ni Fr. Secillano sa lingguhang press conference ng NTF-ELCAC Tagged: Reloaded matapos na umani ng batikos ang CBCP sa naturang hakbang.
Nilinaw ni Fr. Secillano na tanging ang grupo nila at hindi ang buong CBCP ang kasali sa NTF-ELCAC, kung saan ang tanging layunin ay makatulong sa mga tao.
Paliwanag ni Fr. Secillano, ang pagiging miyembro nila ng NTF-ELCAC ay pagkakataon para maisulong ang mas malapitang diyalogo sa pagitan ng pamahalaan at simbahan pagdating sa mga isyu ng umano’y human rights violations at sinasabing “red-tagging” ng gobyerno.
Sinabi naman ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr. na ang pagkakabilang ng CBCP-ECPA sa NTF-ELCAC Execom ay isang “blessing” tungo sa pagwawakas ng 50-taong paghahasik ng karahasan ng kilusang komunista. | ulat ni Leo Sarne