Food stamp program, ibang-iba sa 4Ps — DSWD

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magkaiba ang layunin ng WALANG GUTOM 2027: Food Stamp Program (FSP) sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ayon kay DSWD Undersecretary for Innovations Eduardo Punay, sa ilalim ng Food Stamp Program (FSP), pangunahing tinutugunan ang food insecurity sa mga mahihirap na pamilya sa bansa.

Habang ang 4Ps naman ay nakatuon sa layuning maiangat sa kahirapan ang mga benepisyaryo nito.

“Ang 4Ps po ay intended o ang objective nito is to break the intergenerational poverty cycle. So ang focus noon ay sa education ng mga bata at health ng mga bata. Ang ating Food Stamp Program o ang Walang Gutom 2027 ay inintroduce po ng bagong administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, para po i-address and food insecurity sa bansa natin,” ani Usec. Punay.

Ipinunto rin ni Usec. Punay ang ilang mga kondisyon sa FSP kabilang ang dapat na paglahok ng mga benepisyaryo sa nutrition education sessions para matulungan ang mga itong makapaghanda ng masustansyang pagkain sa pamilya, aktibong partisipasyon sa skills training nfmg Technical Education and Skills Development Authority (TESDA); at pagdalo sa mga job fair ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Nakahanay aniya ang mga ito sa inisyatibo ng Marcos administration para sa isang whole-of-nation approach sa pagtugon sa kahirapan at kagutuman sa bansa.

“Mayroon po tayong mga conditions dito sa ating programa kasi ang target po natin, ang objective po natin, apart from mabigyan sila ng karampatang pagkain sa pang-araw araw, ito po ay maturuan po sila na maging self-sustaining,” paliwanag ni Usec. Punay.

Sa pilot implementation ng programa, nasa 3,000 pamilya na pasok sa food-poor criteria ang nakakatanggap ng electronic benefit transfer cards (EBT) na maaaring ibili ng food items mula sa DSWD-accredited retailers.

Ipinatutupad ang FSP sa pakikipagtulungan sa World Food Programme (WFP), Asian Development Bank (ADB), at iba pang ahensya gaya ng TESDA, DOLE, Department of Health (DOH), at National Nutrition Council (NNC).  | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us