Pinamamadali ngayon ng National Economic and Development Authority o NEDA ang pagpapatupad ng Food Stamp Program ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Inihayag ito ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan makaraang maitala ng Philippine Statistics Authority o PSA ang pagbilis ng inflation rate sa 5.3% nitong Agosto kumpara sa 4.7% noong Hulyo.
Binigyang diin ni Balisacan na dapat maipatupad na agad ang Food Stamp Program lalo’t ito naman ay prayoridad ng DSWD na layuning maibsan ang epektong dulot ng inflation.
Magugunitang malaki ang nai-ambag sa pagbilis ng inflation ang mataas na presyo ng bigas gayundin ng iba pang pangunahing bilihin maging ang produktong petrolyo.
Paliwanag ni Balisacan, tatagal lamang ng anim na buwan ang 3,000 pisong food credit na ibinibigay sa mga benepisyaryo kada buwan.
Nitong Hulyo nang ilunsad ng DSWD ang pilot implementation ng Food Stamp Program sa Tondo, Maynila at target naman itong ipatupad sa buong bansa sa unang bahagi ng 2024. | ulat ni Jaymark Dagala