Ipagpapatuloy na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga operator ng mga pampublikong sasakyan simula bukas, Setyembre 13.
Tulong ito ng pamahalaan sa mga PUV Operator sa gitna ng walang prenong taas-presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa ilalim ng ipinatutupad na Pantawid Pasada Program (PPP) o Fuel Subsidy Program (FSP), kabilang sa mga mabibigyan ng subsidy ang mga operator ng PUJs, Filcabs, UV express, minibuses, public utility bus o PUB, shuttle services, taxis, tourist transport services, school transport service, transportation network vehicle services, delivery services, at tricycle.
Bawat operator ng modern PUJs at UV Express na kwalipikado sa programa ay makakatanggap ng P10,000 subsidy.
Habang P6,500 naman ang ipamamahagi sa kada operator ng iba pang pampublikong sasakyan, moderno man ito o hindi.
Mabibigyan din ng P1,200 na subsidy ang bawat delivery service rider, na kwalipikado sa programa at P1,000 sa mga tsuper ng tricycle.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, nasa 1.36 milyon na mga operator ang makatatanggap ng subsidiya. Sa nasabing bilang– 280,000 units dito ay public utility vehicles. | ulat ni Rey Ferrer