Lumobo pa sa P504.4 milyon ang inisyal na halaga ng pinsala ng bagyong Goring sa sektor ng agrikultura.
Ayon sa Department of Agriculture DRRM Operations Center, nasa 11,965 ang bilang ng mga magsasaka na naapektuhan; habang nasa 21,134 metriko tonelada ang nasirang produksyon; at 19,659 na ektaryang lupain ang napinsala.
Ito ay batay sa inisyal na assessment mula DA Regional Field Offices sa Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, at Western Visayas.
Kabilang sa mga lubhang napinsala ay ang mga palay, mais at high value crops.
Asahan naman na mas tataas pa ang halaga ng pinsala dahil na rin sa nararanasang sama ng panahon na dala ng bagyong Hanna.
Tiniyak naman ng DA, na may nakahandang ayuda ang kagawaran para sa mga apektadong magsasaka.
Kabilang dito ang P100 milyon halaga ng binhi ng palay, mais at mga assorted vegetable seed.
Magkakaloob din ang DA ng mga gamot para sa livestock at poultry at iba pang ayuda sa ilalim ng Quick Reaction Fund ng DA.
Pinapayuhan naman ang mga magsasaka na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na tanggapan ng DA para makakuha ng ayuda. | ulat ni Diane Lear