May kabuuang 691 indibidwal na nakabase sa lalawigan ng Batangas ang naapektuhan ng fog ng bulkan o vog na dulot ng aktibidad ng Taal Volcano.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang mga apektadong residente ay nagmula sa mga munisipalidad ng Agoncillo, Alitagtag, Balete, Balayan, Calaca, Calatagan, Lemery, Lian, Lipa, Nasugbu, San Jose, San Pascual, Sta. Teresita, Tanauan, Taysan, Tuy, at Batangas City.
Karamihan sa mga kaso ay naitala sa Balete sa 208 na sinundan ng San Pascual na may 135 kaso, at Agoncillo na may 76 na kaso.
Tatlo rin ang na-ospital dahil sa vog—dalawa ay galing sa Lian at isa naman sa Tuy.
Nauna nang naiulat ang zero visibility conditions sa Tuy, Balayan, Lian, at Nasugbu sa Batangas dahil sa vog.
Paalala ng DOH sa publiko na huwag lumabas hangga’t maaari upang maiwasan ang mga posibleng epekto ng matagal na pagkakababad sa sulfur dioxide.
Payo ng DOH na kung hindi maiiwasang umalis sa kanilang mga tahanan, gumamit ng N95 face mask na makatutulong upang limitahan ang paglanghap ng sulfur dioxide.
Ipinaliwanag ni PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol na ang vog emissions ng Taal Volcano ay naiiba sa smog na nakapalibot sa Metro Manila.
Sinabi niya na ang NCR smog at ang Taal vogs ay resulta ng air pollutants na nakulong dahil sa isang scientific phenomenon na tinatawag na “thermal inversion.”
Ipinaliwanag din niya na ang sulfuric emissions ng Taal na 4,569 kada araw ng sulfuric dioxide ay naitalang mababa kumpara sa mga naitala noong Enero 2022 na halos 10,000 tonelada kada araw.
Ayon sa PAGASA, madalas itong mangyari sa mas malamig na buwan ng taon.
Samantala, sinabi ni Bacolcol na ang smog ng Metro Manila ay ang regular na air pollution activity na kasabay ng mga aktibidad ng Taal Volcano. | ulat ni Mary Rose Rocero