Umabot na sa mahigit P3.7M ang halaga ng Fertilizer Discount Voucher (FDV) na natanggap ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Basista, Pangasinan mula sa pamahalaang pambansa.
Batay sa ibinahaging impormasyon ng LGU, sila ay nakakuha ng 672 vouchers na nagkakahalaga ng P2,410,504 para sa ikalawang serye ng pamamahagi nito sa mga magsasaka sa kanilang bayan.
Ito ay karagdagan sa 369 vouchers na may halagang P1,317,511 na nauna nang naipamahagi ng LGU hanggang noong huling araw ng buwan ng Agosto.
Sa kabuuan, ang bayan ng Basista ay nabigyan na ng 1,041 fertilizer discount vouchers na may kabuuang halaga na P3,728,015.
Samantala, kaugnay nito, naglabas na rin ng iskedyul ang Agriculture Office ng nasabing bayan para sa pagbibigay sa ikalawang batch ng mga voucher na magsisimula bukas, September 21 hanggang September 22.
Paalala naman ng LGU Basista sa mga nauna nang nakatanggap ng voucher subalit hindi pa ito nagagamit na maaari silang sumabay sa iskedyul ng kanilang barangay sa “scanning and releasing” na gagawin sa Municipal Gymnasium. | ulat ni Ruel de Guzman |RP1 Dagupan