Pumalo sa halos P60 billion ang nakolekta na savings ng Home Development Fund o mas kilala bilang Pag-IBIG, sa mga miyembro nito sa nagdaang unang walong buwan ng taon.
Sa isang statement, nakapagtala ng record na P59.52-billion ang Pag-IBIG mula Enero hanggang Agosto katumbas ng 11.45% na pagtaas.
Ito ay nasa 74.4% na mula sa kanilang target na P80 billion savings para sa taong 2023.
Higit kalahati ng saving na naitala ay mula sa Modified Pag-IBIG 2 Savings (MP2), o ang voluntary program sa mga miyembero ng Pag-IBIG, na umabot sa P31.5-billion mas mataas ng 16% kumpara sa P27.27-billion na nai-record nang kaperahas na panahon noong 2022.
Habang ang nalalabing savings ay mula sa Pag-IBIG Regular Savings na umabot naman sa P28.03-billion na tumaas din sa 7%.
Ayon kay Pag-IBIG CEO Marilene Acosta, ang pagtaas ng nakokolektang savings nito partikular sa voluntary savings ay pahiwatig ng tiwala ng Pag-IBIG members.
Noong nakaraang taon, nakagpagtala rin ng kaparehong pagtaas ang savings program ng Pag-IBIG kung saan umabot ang annual return rate sa 7.03%, ang pinakamataas mula noong pandemya. | ulat ni EJ Lazaro