Pabor si Senador JV Ejercito na gawing dalawa hanggang tatlong taon ang maging phaseout ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Pilipinas.
Ibinahagi ng senador ang kanyang posisyon matapos magsumite ng rekomendasyon ang Senate Committee on Ways and Means tungkol sa agarang pagpapaalis ng mga POGO sa ating bansa.
Ayon kay Ejercito, nais niya ng dalawa hanggang tatlong taong phase out para sa mga POGO para maiwasang magkaroon ng masamang persepsyon sa Lehislatura dahil una na nilang gawing legal ang POGO.
Sa bisa kasi ng binuong batas ng nakaraang Kongreso na nagpapataw ng buwis sa mga POGO ay tila naisa-legal na rin ang operasyon ng mga POGO.
Giit ng mambabatas, kailangang magkaroon ng phase out period para sa mga legal na POGO at ang mga kailangang mapasara sa lalong madaling panahon ay ang mga ilegal na POGO.
Pinaliwanag pa ng mambabatas na kailangan kasing magkaroon rin ng paghahanda para sa mga empleyado na mawawalan ng trabaho kapag ipinagbawal na sa Pilipinas ang mga POGO.
Posible rin aniyang magkaroon ng epekto sa ibang Industriyang may kaugnayan dito ang biglaang pagpapatigil ng POGO. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion