Nasa mahigit isang libong OFW na pre-qualified para sa Pambansang Pabahay Program ng pamahalaan.
Sa pagsalang sa plenaryo ng ₱5.4-billion proposed 2024 budget ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), natanong ni OFW Party-list Representative Marissa ‘Del Mar’ Magsino kung ano na ang estado ng Pambansang Pabahay Program para sa OFW.
Tugon ni Appropriations Vice-Chair Jil Bongalon, sponsor ng DHSUD budget, hanggang September 21, nasa 1,098 OFW na ang naka pre-qualify para sa programa.
Sunod nitong magiging hakbang ay ang pag-endorso sa OFW beneficiaries sa kanilang regional offices para sa ‘matching’ o pagtukoy ng mga available na housing project sa kanilang mga probinsya.
Sa ilalim ng naturang programa, ie-endorso ng OFW Party-list sa DHSUD ang listahan ng mga OFW na nais maging benepisyaryo ng Pambansang Pabahay. | ulat ni Kathleen Jean Forbes