Nagsimula na ang cash assistance payout ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Trade and Industry (DTI) para sa mga rice retailer na apektado ng EO-39 sa Quezon City.
Ito na ang ikalawang batch ng payout sa QC para sa mga retailers na hindi nakapunta sa unang payout noon sa Commonwealth Market.
Target dito ang nasa 246 na benepisyaryo na pinondohan ng ₱3.6-million.
Isa sa unang nakatanggap ng kanyang ₱15,000 cash assistance sa QC Community Center si Rosemarie na may pwesto ng bigasan sa UP Village.
Ayon sa kanya, makatutulong kahit papano sa kanilang mga magbibigas ang tulong ng gobyerno.
Ganito rin ang sinabi ni Mang Alex na nagbebenta naman sa Lagro. Ayon sa kanya, pandagdag din sa kanyang puhunan ang bigay na tulong na ito ng pamahalaan.
Ongoing ang cash assistance payout sa Community Building Center ng Quezon City Hall Complex hanggang mamayang alas-5 ng hapon. | ulat ni Merry Ann Bastasa