Nakatakdang igawad ng Civil Service Commission (CSC) ang Local Treasurer Eligibility sa may 1,018 indibidwal na nakapasa sa Basic Competency on Local Treasury Examination (BCLTE) na ginanap noong Hunyo 11, 2023.
Ayon kay CSC Chairperson Karlo Nograles, ang bilang na ito ay kumakatawan sa 18.09% ng 5,626 kabuuang bilang ng examinees.
Si Jenny B. Sagario mula sa Rehiyon 9 ang nanguna sa BCLTE sa rating na 92.62%.
Inihayag ng CSC Examination, Recruitment, and Placement Office (ERPO) na ang Region 5 ang nakakuha ng pinakamataas na posisyon na may passing rate na 28.95% sa mga tuntunin ng regional performance.
Kapansin-pansin din ang passing rates na nakuha ng ibang regions tulad ng Region 4 na may 26.71%, Region 2 na may 24.62%, Region 3 na may 23.99 %, at Region 1 na may 23.87%.
Ang Local Treasurer Eligibility ay isang pangalawang antas na eligibility na angkop para sa appointment sa Local Treasurer at Assistant Local Treasurer positions.
Gayundin sa mga posisyon sa ilalim ng Financial Services. | ulat ni Rey Ferrer